Naging Sultan si Pilandok | Wika ng Filipino

 Naging Sultan si Pilandok

Kwentong Bayan ng Maranaw


           Ang kinagigiliwang Juan ng katagalugan ay may katumbas sa mga Maranaw - si Pilandok. Si Pilandok ay nahatulang ikulong sa isang kulungang bakal at itapon sa dagat dahil sa isang pagkakasalang kanyang ginawa.

         Pagklipas ng ilang araw, ang sultan ay nanggilalas nang makita si Pilandok sa kanyang harap na nakasuot ng magarang kasuotan ng sultan. Nakasukbit sa kanyang baywang ang isang kumikislap na ginituang tabak.

          Nagtataka ang Sultan kung paano nakabalik si Pilandok gayong ipinatapon na niya ito sa gitna ng dagat habang nakakulong sa isang hawla, at ngayon nga ay nakasuot pa ng magara. Sinabi ni Pilandok na siya ay iniligtas ng kanyang mga ninunong naninirahan sa isang kahariang nasa ilalim ng dagat. Ayaw maniwala ng Sultan sa mga kwento ni Pilandok. Ngunit siya ay nakumbinsi ni Pilandok na mayroon ngang kaharian sa ilalim ng dagat. Ang Sultan ay naghangad makarating sa ilalim ng dagat at inutusan si Pilandok na ipasok siya sa hawla at dalhin sa ilalim ng dagat dahil gusto niyang makita ang kayamanan. Sinabi ni Pilandok na papaano na ang pamumuno sa kaharian. Mag-iiwan ng kautusan ang Sultan na siya ay gagawing pansamantalang kahalili ngunit sinabi ni Pilandok na dapat ay walang makakaalam tungkol sa kaharian sa ilalim ng dagat. Kaya dapat ay ibigay na lamang ng Sultan ang korona at lahat ng katunayan ng pagiging sultan ni Pilandok. Pumayag naman ang sultan. Ibinigay na lahat kay Pilandok ang hinihingi at isinakay sa isang bangka. Pagdating sa gitna ng dagat ay inihagis ang hawlang kinalululanan ng sultan. Kaagad lumubog ang hawla at namatay ang sultan. Mula noon si Pilandok na ang naging sultan.

Comments