Buod ng Bahagi ng Akdang Ibong Adarna (Ang Muling Pagtataksil ng Dalawang Prinsipe at Ang Pagkatagpo ng Pag-ibig sa Bundok ng Armenya)
Muling napagkasunduan nina Don Pedro at Don Diego na linlangin si Don Juan. Pinakawalan ng dalawa ang Ibong Adarna nang makatulog si Don Juan na siyang nakatalagang tagabantay ng Ibong Adarna. Upang maiwasan ang pagtatanong ng hari at matuklasan ang kasalanang ginawa ng dalawang kapatid ay nilisan na lang ni Don Juan ang palasyo at nagtungo sa bundok ng Armenya.
Ipinahanap ng hari si Don Juan sa kanyang dalawang kapatid. Tutol man ay napilitang sumunod ang dalawa at sa paghahanap ay natagpuan nila ang bunsong kapatid sa bundok ng Armenya. Doon ay napagkasunduang doon na sila manirahan. Naisipan ng tatlong prinsipeng mamasyal sa kabundukan at doon ay natagpuan nila ang isang mahiwagang balon. Tanging si Don Juan ang nagtagumpay sa paglusong sa mahiwagang balon dahil sa taglay na tibay ng loob at pananalig sa Diyos.
Natagpuan niya sa ilalim ng balon ang isang palasyo. Doon ay naninirahan ang isang dalagang nagngangalang Donya Juana na agad bumihag sa puso ng binata. Iniligtas ng prinsipe ang dalaga sa kamay ng higanteng nagbabantay rito. Bago umalis sa ilalim ng balon, ipinakiusap ni Donya Juana na iligtas din ang nakababatang kapatid na si Donya Leonora na bihag naman ng isang serpiyenteng may pitong ulo. Nang makita ni Don Juan si Donya Leonora ay hindi rin napigilan ng binata ang mabighani at umibig sa dalaga. Habang nag-uusap ang dalawa ay dumating ang serpiyente at dito nagsimula ang kanilang paglalaban. Isang madugong labanan ang naganap. Sa tulong ni Donya Leonora at dahil na rin sa matibay na pananalig sa Diyos, natalo ni Don Juan ang serpiyente at napalaya mula rito si Donya Leonora.
Comments
Post a Comment