Pamilya Servantes sa Baryong Mapagmahal | Wika ng Filipino

      Sa “Baryong Mapagmahal” nakatira ang pamilya Servantes. Si Mang Andrew at Aling Myrna ay mayroong dalawang anak sina Angel at Karen. Ang panganay na si Angel ay 12 taong gulang at nasa ikapitong baitang na ng Sekondarya at si Karen na siyang bunsong anak ng pamilya ay 10 taong gulang na at nasa ikalimang baitang. Masayang nagsasama ang buong pamilya dahil mahal nila ang isa’t isa.

    Subalit dumarating talaga ang unos na hindi inaasahan. Nagkakaroon ng inggitan at selosan lalong-lalo na ang magkakapatid. “Huhuhu! Bakit mo ako inaaaway ate?” ang paiyak na sabi ni Karen. “Lagi ka kasing kinakampihan ni nanay at tatay. Mas mahal ka nila kaysa sa akin” Ito ang laging dahilan ng kanilang pag-aaway.

    Minsan kinuha ni Angel ang mga laruan ni Karen at ikinalat kaya’t ito’y umiyak nang umiyak habang sila ay naglalaro. “Bakit mo ikinalat ang lahat ng laruan ko?” ang umiiyak na sabi ni Karen. Hindi pa nakasasagot si Angel, nang biglang dumating ang nanay at tatay nila. “Ano ba ang nangyayari dito?” halos sabay na tanong ng mag-asawa. Kinausap si Angel tungkol sa nangyari. Noong una ay nagsinungaling si Angel sa mga ito at sinabing si Karen ang umaway sa kaniya at nagkalat ng mga laruan ngunit nang kumuha na ito ng pamalo ay agad na humingi ito ng tawad.

   “Bakit mo ginagawa ang ganoon?” ang tanong ng kanyang tatay. “Dahil mas nakikita ko na mas mahalaga at mahal ninyo si Karen kaysa sa akin!” Ngunit ito ay kaagad itinama ng kanyang ama at sinabing, “Angel anak ang iyong iniisip ay mali, ang aming pagmamahal para sa inyong dalawa ay magkapantay at walang hanggan, hindi mo kinakailangang magsinungaling at gumawa ng hindi tama sa iyong kapatid, mahal na mahal namin kayo.”

    Napaiyak na lang si Angel sabay hingi ng tawad sa kanyang nagawa at ganoon din kay Karen. Napatawad naman siya ng mga ito at nagyakapan na lamang silang lahat.

   Magmula noon hindi na nakaramdam ng galit at inggit si Angel para sa kaniyang bunsong kapatid at mas lalong tumibay ang kanilang pagmamahalan bilang isang buong pamilya

Comments