Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna | Wika ng Filipino
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin matukoy kung sino talaga ang sumulat ng koridong Ibong Adarna. Ayon kay Pura Santillan-Castrence, ito ay sa dahilang ang kasaysayan ng akdang ito ay maaaring hinango lamang sa kuwentongbayan mula sa mga bansa sa Europa tulad ng Romania, Denmark, Austria, Alemanya, at Finland. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming kritiko ang nagsasabing ang Ibong Adarna ay hindi ganap na maituturing na bahagi ng Panitikang Pilipino sa dahilang hiram lamang sa ibang bansa ang kasaysayan nito. Kung uugatin ang kasaysayan, ang tulang romansa ay nakilala sa Europa noong Panahong Medieval o Middle Ages. Tinatayang noong 1610, mula sa bansang Mexico, ito ay nakarating sa Pilipinas na ginamit namang instrumento ng mga Espanyol upang mahimok ang mga katutubong yakapin ang relihiyong Katolisismo.
Bagama’t itinuturing na halaw o nagmula sa ibang bansa ang akdang ito, sinasabi ng maraming kritikong umaangkop naman sa kalinangan at kultura ng mga Pilipino ang nilalaman nito. Masasalamin sa akda ang mga natatanging kaugalian at pagpapahalaga ng mga Pilipino, tulad ng pagkakaroon ng matibay na pananampalataya sa Poong Maykapal, mataas na pagpapahalaga sa kapakanan ng pamilya, mataas na pagtingin o paggalang ng mga anak sa magulang, paggalang sa mga nakatatanda, pagtulong sa nangangailangan, pagtanaw ng utang na loob, mataas na pagpapahalaga sa puri at dangal ng mga kababaihan, pagkakaroon ng tibay at lakas ng loob sa pagharap ng mga pagsubok ng buhay, at marami pang iba. Bukod sa mga gintong aral na makukuha sa akda, ito ay tinangkilik din ng ating mga ninuno sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sapagkat ito ay nagdulot din noon ng kasiyahan o kaaliwan sa kanila.
Sa katunayan, ang akdang Ibong Adarna ay itinuturing na panitikang pantakas (escapist) sapagkat ang mga Pilipino na sakbibi ng hirap at sakit noon dahil sa kahirapang kanilang nararanasan bunga ng paniniil ng mga Espanyol ay pansamantalang nakatatakas sa kanilang tunay na kalagayan sa sandaling mabasa o mapanood ang akdang ito at mailagay ang kanilang sarili sa pakikipagsapalaran ni Don Juan na siyang pangunahing tauhan sa akda.
Sa maraming mga koridong nilimbag at naisulat sa Pilipinas, ang Ibong Adarna ang higit na kilala sapagkat bukod sa ang mga sipi nito ay ipinagbibili sa mga perya na karaniwang isinasagawa tuwing kapistahan ng mga bayan-bayan, ito rin ay itinatanghal sa mga entabladong tulad ng Komedya o Moro-Moro.
Dahil na rin sa pasalin-saling pagsipi, ang mga sulat-kamay at maging ang mga nakalimbag na kopya ng Ibong Adarna ay nagkaroon ng pagkakaiba-iba sa gamit at sa baybay ng mga salita. Noong 1949, sa pamamagitan ng matiyaga at masusing pag-aaral ni Marcelo P. Garcia ng iba’t ibang sipi ng Ibong Adarna ay isinaayos niya ang pagkakasulat ng kabuoan ng akda partikular ang sukat at tugma ng bawat saknong. Sa kasulukuyan, ang kanyang isinaayos na sipi ang karaniwang ginagamit sa mga paaralan at palimbagan.
Taglay ng Ibong Adarna ang motif cycle na karaniwang matatagpuan sa mga kuwentong-bayan:
- May sakit ang amang/inang hari/reyna, isang mahiwagang bagay lamang ang lunas
- Maglalakbay ang tatlong anak na prinsesa/prinsipe upang hanapin ang lunas
- Magtatagumpay ang bunso dahil sa kanyang likas na kabutihan at pagkamatulungin
- Aagawin ng mga nakatatandang kapatid ang nahanap niyang lunas at karangalan, pahihirapan siya, ngunit magtatagumpay rin sa huli
- Makauuwi siya at gagaling ang may sakit na magulang
Comments
Post a Comment